Ang hamon ni Cory Aquino sa kilusang kaliwa
(ang black hole sa kilusang kaliwa)
Pagninilay ng isang kristiyanong maka-kaliwa
Arsenio Miranda Garcia
(OIKOS)
Nang bumuhos ang mga tao sa ayala nang ilipat ang mga labi ni dating pangulong aquino mula la salle greenhills patungong manila cathedral, ganito ang aking naramdaman- saya, dahil sa dami ng taong nakikiramay at nagkakaisa; marubdob na damdaming makabayan-at pag-asa na muling nabuhay sa akin dahil sa dagsa ng taong mula sa puso at sariling kusa ang pagtugon ng pakikiisa; at inggit sa kakayanan ni cory, buhay man o patay, na manawagan, pakilusin ang mga mamamayan- mayaman man o mahirap, at pagkaisahin sa isang landas. Bumalik sa akin ang mga parehong pakiramdam noong 1986. at pagkalipas ng 23 tao, ganito pa rin ang aking naramdaman bilang isang kristiyanong kaliwa. Bilang isang maka-kaliwa na laging umaasam ng maraming taong kikilos nang bigkis tungo sa pagpapalaya, at ang hirap, gastos, pagpaplano, walang katapusang pulong upang magpakilos- na hindi umaabot sa ganyang proporsyon- nasabi ko sa aking sariling, “may ginagawang tama ang taong (cory) ito kung bakit siya nakakapagbigay ng inspirasyon sa ganito karaming pilipino na hindi natin nagagawa o naibibigay o hindi nakikita sa atin (kilusang kaliwa) ng mga mamamayan“.
Sa ganitong diwa o adhika nais kong ibahagi ang sulating ito.
Subalit may dagdag na konteksto ito. Nais ko ring suriin ang aking paghanga, pagpupugay at pasasalamat sa kanya, sa konteksto ng kanyang mga “kasalanan sa bayan“ -ang pagbabayad ng utang panlabas ng bansa, kahit hindi sinisingil (at maaaring burahin ng mga bangko at mga bansa kung hiningi niya nong 1986), ang pagpaslang kay Lean Alejandro, Olalia, Alay-ay at mga magsasaka sa Mendiola; ang pananatiling ariin ang hacienda lusita sa kabila ng CARP, at marami ang iba). Dagdag na rin ito at tugon sa mayamang talakayan tungkol sa kanya sa ating hanay mula sa sinulat ni Emman Hizon.
I Si Tita Cory –ng Mahal ko.
A. Si Cory-ang mabuting pulitiko
Pagkatapos ng dayaan sa snap elections, nagyaya ng rally si Cory. Sabi ko, sige. Ihahanda ko. Sa Plaza Miranda. Bakit dun-tanong niya.” Sa Luneta!”. Sabi ko, “kakalog tayo. Baka kaunti lang pumunta. Bayaan mo. Kung walang pumunta, ibig sabihin, hindi sila naniniwala sa atin. At pwede na tayong tumigil. At ang sumunod ay bahagi na ng kasaysayan: ang tagumpay ng bayan na nangyari sa Luneta na kung saan halos 2 milyon ang dumating”-Jose Peping Cojuangco
Kapag umaalis siya papuntang ibang bansa noong president pa siya, isa lang sa amin ang isinasama niya, at sa bulsa niya kinukuha ang pambayad sa aming pamasahe, hindi sa kaban ng bayan.Pinky Aquino-Abelleda
Kapag tinatanong ng tao kung bakit hindi niya ako pinapapasok sa pulitika, ang sagot niya ay, “kapag simple na ang kanyang lifestyle. Sa ngayon, sa kanyang lifestyle, hindi siya pwedeng mabuhay sa sahod ng isang government employee”Kris Aquino-Yap
Pinagbawalan niya kaming magsimula ng anumang negosyo habang siya ay presidente. Lahat kaming kaanak at kamag-anak niya.-Peping Cojuangco
Kapag kumukuha ako ng litrato at nagustuhan niya at kanyang itatago sa sarili niyang koleksyon, binabayaran niya ito at hindi gastos ng malacanang.-photographer ni Cory Aquino
Nang anyayahan niya akong maglingkod sa departamento ng sakahan, sinabihan niya akong sundin ang batas, masipag na gawin ang trabaho, at huwag magnakaw.-Philip Juico
Matapang siya. Buo ang loob. Malinaw sa kanya na ipagtatanggol niya ang demokrasya, laban sa lahat ng coup, kahit pa man mabuwis ang kanyang buhay. -- PSC head
She never saw business as a milking cow. Whenever she would ask me for help, believe it or not, I never felt burdened but distinctly honored.-Ramon del Rosario
Marami sa aking mga kakilalang eksperto sa batas (ang nagsasabi) na hindi ka bawal tumakbo sa 1992. Ngayon lang nasisimulan ang pagtatayong muli ng ating demokrasya. Mabuway pa. Kailangan ka pa. Bakit hindi ka tumakbo ulit? Ang sagot niya “-isa lang. Illipat natin ito sa susunod nang mapayapa.”-Peping Cojuangco
At mapayapa, walang arte, na ipinasa niya ang trono sa sumunod. At ito ang malaking pagakakaiba niya sa lahat. Si Cory, katulad ng marami nating namuno at humawak ng kapangyarihan, ay mula sa elitistang pamilya, at angkan, at kamag-anakan.
Subalit naiiba siya sa lahat.
Hindi siya narahuyo sa kapangyarihan. Alam niyang pansamantala lamang ito, at hindi monopolyo ng sinuman. At alam niya rin at isinabuhay kung para saan ito. Hindi ito para sa sarili kundi para sa bayan at sa mamamayan. At sa pagtangan sa kapanyarihan-kakaiba siya. Sa gitna ng mga magagaling, hindi basta-basta, at mga beteranong pulitiko, namuno siya, hindi lamang sa talino, sa pagalingan ng argumento at katwiran, at lalong hindi sa paggapi sa kaharap upang lumutang siya at manaig kundi sa kakaibang lengguwahe ng feministang pagtanaw at pagtangan sa kapangyarihan-nagpapalakas sa iba hindi sa sarili, mahinahon ngunit matatag, nakikinig ngunit matibay sa paniniwala at kombiksyon. Marami pang kwentong ganito. Tiyak ako na pwedeng maging isang libro na makapal.
Cory Aquino, Kakaibang pulitiko. Mabuting pulitiko.
Kasi, hindi siya pulitiko. O pulitiko siya, sa ibang depinisyon ng salita. Kasi, binago niya ang ibig sabihin ng pulitiko. Isa siyang bayani na sa salita ni Patricia Evangelista ay “This is what a hero is- a man or a woman, who is confronted by the choise to do right, and who chooses it, not because of convenience, or power, or vengeance but because it is right.” At hindi nya ito ginawa minsan, pagkatapos mapaslang si Ninoy, kundi araw-araw, sa loob at labas ng Malacanang-at kahit sa paligid niya, ay nagkalat ang mga taong bawat hakbang ay gumagawa ng mali para sa sarap, sa kapangyarihan, sa paghihiganti, o sa ambisyon. Araw-araw na pagkabayani-ito ang laman ng buhay-pulitika ni Cory. Ito ang nagpa-iba sa kanya sa ibang pulitiko. Bukod dyan, Sa kanya, naghalo, masarap na natimpla-ang politikal at personal dahil ...
B. Si Cory-ang mabuting tao:
Kapag may nakikita tayong mabuting tao- hindi tayo nag-aatubili. Alam natin-basta nararamdaman natin-mabuting tao siya. May masasamang tao-at maraming nagkalat diyan. Basta. Nalalaman natin na masamang tao siya. Ganun si Cory. Mabuting tao.basta-alam nating mabuting tao siya.
She was a damn good person! Good people, unite- you have nothing to loose but your vane!-de quiros
Minsang nagpunta kami sa painting lesson niya at siya ang toka na magpamiryenda, sinama niya ang cook. Pag-uwi, nauna kami. Wala pang pagkain sa bahay. Maya-maya ay lumabas siyang may dalang sopas na niluto niya at pinakain sa amin. Ganoon siya. Hindi niya kami nakakalimutan. Lagi niyang tinatanong kung nakakain na kami. Tinuring niya kaming pamilya. Iniangat niya ang aking confidence. --Spo4 Mallari, close-in security ni Cory
Maysakit na siya at hindi makatayong mag-isa, kapag sinasamahan ko sa banyo-laging nagpapasalamat.-- Pinky Abelleda,
pangatlong anak ni Cory I didn’t notice that my anger was slowly receding- and my desire for vengeance was banishing the more I was close to this woman in yellow; now, I just want to make sure that I live every moment of my life to the fullest-without anger and vindictiveness; I did not notice I was being transformed the more I got closer to this woman in yellow;-Teodoro Locsin Jr.
Hindi kakaunti ang ganitong mga kuwento. Sa palagay ko, pwede itong gawing panibagong libro- Cory Aquino, isang mabuting tao.
Ngunit maliwanag pa sa sikat ng araw- ang kanyang asal, at ugali sa harap ng sinuman, malaki mang tao o maliit-ay isang huwaran ng pakikipagkapwa-tao. Tiyak ako na paminsan-minsan, nanigaw naman siguro siya, umismid, at nagsalita ng masakit sa iba, kahit nakatalikod. Hindi naman tayo nag-uusap tungkol sa isang santo, ika nga ni Patricia Evangelista sa kanyang column sa Inquirer noong Agosto 2.
K. Si Cory ang mabuting mananampalataya:
Sa simula pa lang ng biyahe, nagdadasal na siya. Kaya naging madasalin din ako.-drayber
Biro man, totoo rin talaga. Sa teamwork nila ni Cardinal Sin, si Cardinal Sin ang political officer at si Cory ang spiritual officer.
Kapag nakaismid ako at angal nang angal sa buhay, sasabihin niya…Maur, magdasal ka na lang. ---Maur Lichauco
She was not ashamed to proclaim her faith in God in the public arena; without being imposing; and she draws us to pray; her life of prayer taught us and draws us to prayer; without her pressuring or forcing us;-Bishop Chito Tagle, Bishop of Imus
Mom, now I believed, without an iota of doubt, that you have run your course, you have finished the race, and you have kept he faith. --Sen.Noynoy Aquino
Magkasabay na nagbukas ang langit at lupa-upang ipagdiwang ang buhay ni tita cory --Mrs. Tuazon
Tama si Patricia Evangelista- hindi santo si Cory. Ngunit baka mali rin siya dahil kalaunan, maari siyang ideklarang santo ng iglesia katolika dahil sa kanilang batayan, ang mga santo ay mga taong nanatiling tapat sa kanilang pananampalataya sa bawat sandali ng kanilang buhay-sa gitna ng uri ng buhay na kanilang kinasadlakan; oo nga pala, hindi ibig sabihin ng mga santo sa simbahan ay yung mga taong hindi nagkakamali-sa katotohanan, ang kabaligtaran ang totoo; ang mga santo ay mga taong lubos ang pag-amin sa kanilang kasalanan-kaya sila naging mga santo; sila ang mga taong sobra-sobrang batid ang kanilang kasalanan, kaya natutulak na lubos na umasa at magtiwala lamang sa awa at habag ng dios; kasi sa kanilang pagkamakasalanan, alam nilang mula sa biyaya lang ng dyos sila makakagawa ng anumang kabutihan para sa kapwa-kaya sila nagiging santo-at tiyak ako na si Cory, ay isa sa mga taong may malalim na pag-amin sa kanyang mga kasalanan at kakulangan; kaya hindi ako magtataka kung ipaglaban ng iglesya katolika ng pilipinas na gawin siyang santo ng buong simbahan sa kalaunan; Tama si Mrs. Tuazon nang sabihin niyang sa pagkamatay ni cory at pagpunta sa kabilang-buhay, sabay na nagbukas ang langit at lupa; sa lupa, masaya nating ipinagdiwang ang kanyang buhay- at ang langit, kung mayroon man at kung tama ang simbahang may langit nga-ay tiyak akong masaya, buong lugod, bukas ang bisig na tinanggap nila si cory, at buong pagmamalaking niyakap at pinatuloy ng Diyos ang isang tunay na anak ng Diyos sa kanyang tahanan. At si Cory, masayang umuwi sa kanyang tunay at permanenteng tahanan. Sa totoo lang, sa aking paniniwala na may kabilang buhay dahil tayong tao ay immortal , at ang buhay natin ay di natatapos sa daigdig na ito lamang, ngayon lang ako nakaramdam ng katiyakang, ang taong ito ay sa langit pupunta, at nakakatiyak din ako nang walang pag-aalinlangan, na nagbubunyi ang langit sa pagdating niya. Ako, baka 50-50 ang tsansa.
II Ang hamon ni Cory sa ating kilusan:
Mga malilit na binhi ni Cory na kailangan pa nating itanim, alagaaan, diligin at payabungin sa bawat isa sa atin, sa ating mga samahan at sa atin mga alyansa.
Siya na mayaman. Ngunit napakatipid at masinop na ginastos ang pera ng bayan. Gaano tayo masinop na gumastos sa mga pondong natatanggap natin mula sa loob at labas ng bansa? Gaano natin nagagamit sa personal na silbi ang mga gamit o bagay na dapat a pang-opisina lamang?
Siya na mayaman. Ngunit pinasimple ang buhay sa kung ano ang kailangan lamang. Gaano tayo namumuhay sa kapayakan sa kabila ng ating maliit na sahod, o sa medyo umaangat na lifestyle?
Siya na naging pangulo; ngunit nanatiling mahinahon at hindi tinuring na katulong at tagasilbi lamang ang mga malilit na taong itinalagang magbantay, magmaneho, magluto at maglinis ng kanyang bahay;
Tayo, paano tayo maki-ugnay sa ating mga kasambahay? Paano rin tayo nakikiugnay sa mga malilit na tao sa kilusan at sa ating mga maliliit na opisina? Ang mga drayber, ang mga utility, ang mga taga-zerox sa ating mga ngo’s- lalo ba natin silang pinapahanga habang nalalapit sila sa ating mga buhay at nakikita tayo kahit wala ang kamera, at wala tayo sa mga rally at presscon? At lalo bang lumalalim ang kanilang komitment at pagyakap sa ating mga isinusulong habang nalalapit sila sa ating buhay at nakikita nila ang ating tunay na pamumuhay at pag-uugali?
Siya, na itinuring na walang muwang sa pulitika ay umasa, nagtiwala at naniwala sa kapangyarihan ng mamamayan, sa kabutihan ng karamihan, at nanindigang tayong mga pilipino ay “worth living and dying for?”
Tayo, hanggang saan talaga tayo naniniwala sa lakas, talino, kapangyarihan at muwang ng nakararami? At nakikita ba sa atin ng mga kasapi at inorganisa natin ang tunay at malalim na sampalatayang ito sa kanila? Siya, na isinilang sa kapangyarihan ngunit hindi narahuyo dito, at tinanganan ito nang may malinaw na hangganan, hindi ginamit para sa sariling interes, at laging ginamit na instrumento upang isulong ang kabutihan ng bansa.
Tayo, paano talaga natin tinitignan ang kapanyarihan? At sa kasalukuyan, paano tayo nanghahawakan nito sa ating mga opisina, samahan, at alyansa? Ang mga party-list na kadiwa natin sa kongreso, may ipinapakitang bang kaibahan sa pagtangan sa kapangyarihan kumpara sa regular na pulitiko doon?
ang mga “kasalanan ni Cory sa sambayanan”
Siyempre, sa salamin ng pananampalataya, ang aking malaking tanong ay: bakit sa kabila ng kanyang pagiging madasalin at malapit sa Diyos ay hindi niya narinig ang bulong ng Diyos, na ang lupa ay hindi sa sinuman kundi para sa lahat; at ang hacienda luisita ay dapat nang ipamahagi sa mga tunay na nagbubungkal nito?
Bakit hindi niya narinig ang bulong ng Diyos ng katarungan na ang walang habas na pangungutang ni Marcos na hindi nagsilbi sa kagalingan ng bayan ay hindi dapat bayaran upang may sapat na pondo para sa mga pangangailangan ng bayan, na nung panahong yaon, ay kulang na kulang? O, hindi muna bayaran upang unahin ang kapakanan ng bayan, at hindi ng mga bangkong nagpakasangkapan kay Marcos upang tumubo kahit pa lalong mabaon sa utang ang sambayanan?
Bakit hindi niya narinig ang bulong ng Diyos ng Katwiran at kalayaan, na ang mga base militar ng E.U. ay dapat nang isara sa ating bansa.
Ang sagot ko mula sa isang malungkot at masakit na paglilimi na may pagbubunyi:
“Walang himala!”.
Walang taong may diretsong linya ng komunikasyon sa Diyos. Ang Diyos ay nakakausap natin mula sa ating pagkatao; mula sa ating konsiyensiya. Kailangang gamitin ng Diyos ang mga mayroon tayong tao-upang maipahatid niya ang kanyang kalooban-ang ating budhi, ang ating loob, ang ating mga kaibigan, ang mga tao at institusyong ating pinakakatiwalaan, kasama ng lahat ng mga kakulangan at kasalanan nito: sa maikling salita- mula sa ating karanasan, bilang isang indibidwal at komunidad.
Tulad nang lahat ng taong nais makipag-usap sa Diyos, ang budhi ni Cory, bukod sa mga turo at aral ng mga paaaralan (St. Scho at Assumption dito at sa ibang bansa) at simbahang humubog sa kanya, ay isang budhing hinubog ng kanyang pamilya, ng kanyang angkan, at ng kanyang kapaligiran- mayaman, elitista, naliligiran ng kayamanan at luho--marahil, mula sa kanyang karanasan ng kaunting pagdarahop at halos pagka-inutil (helplessness) nang ikulong si Ninoy ni Marcos-natutunan niyang iwaksi ang personal na luho--ngunit hindi niya maalpasan ang paniniwala ng kanyang elitistang pinanggalingan na kanila ang hacienda luisita at karapatan nilang ankinin ito habang buhay. Kung may pagkukulang man, mas hihingin ko sa mga taong relihiyoso na malapit sa kanya-sa kanilang kakulangang ulit-ulitin na sa turo ng simbahan ang lupa ay pag-aari ng Diyos para sa lahat at hindi lamang para sa kanilang pamilya.
Oo, dapat nating ipagpatuloy na hingin ito lalo na kay Noynoy-na kahit huli man, ang hacienda luisita ay dapat ipamahagi sa mga magsasaka, at baklasin ang korporasyong nagpapatakbo dito ngayon na siyang kasangkapan upang takasan ang tunay na diwa ng batas sa repormang agraryo. Kailangang ipagpatuloy ang pakikibaka para sa katarungan ng mga magsasakanag napaslang sa hacienda, at tuluyan itong ariin at pagsaluhan ng mga taong tunay na hmahawak at nabubunkal ng lpa. Totoo, ang hacienda luisita ay sagisag ng isang kabalintunaan: na sa kabila ng katotohanang sa panahon ng pamamahala ni Cory naipasa ang batas, ang kanilang hacienda ay hindi naipailalim dito.
Kayat patuloy tayong manawagan sa pamamahagi nito sa mga magsasaka, upang ang mga dugong dumanak sa pakikibaka rito ay umagos sa katarungang panlipunan. At mas malaking responsibilidad dito ay ang mga relihoyoso, pari man o madre na pinakikingan ng pamilya sa usapin ng spiritwalidad.
Ikalawa, ang pinakamasasayang taon ng buhay-pamilya niya ay nangyari sa amerika. Paano sasagi sa kanyang isip na dapat baklasin ang mga base-militar ng amerika sa ating bansa gayung ito ay nagsilbing kanlungan ng kanilang pamilya sa panahon ng paninil ng diktador?
Pangatlo, marahil, masyado tayong humingi (na hindi naman dapat) o umasa (na hindi naman dapat asahan) sa isang taong, ni kailanman ay hindi nagsabing kanyang gagawin. Kahit na kailan, hindi siya nangakong isusulong ang repormang agraryo. Kahit na kailan, hindi niya sinabing laban siya sa utang panlabas na dapat bayaran. Kahit na kailan hindi niya sinabing laban siya sa mga base militar ng amerika sa ating bansa. Marahil, mas tamang sisihin, o singilin ang ilang mga taong naging bahagi ng kanyang gabinete at opisyal sa gobyerno na noong panahon ng pakikibaka kay Marcos ay inihihiyaw ang mga programang ito, gunit nang mapuwesto ay nabawasan ang paninindigan na ipaglaban ito sa mga pulong ng gabinete at sa ibang mga paraan.
Marami siyang kakulangan. Sana, bagaman mga sariling kilos ng mga elemento ng military ang pagpaslang kay Lean Alejandro at Lando Olalia, at ang mismong mendiola massacre, bilang pinuno, may mga dapat kinulong, pinanagot sa batas, at pinarusahan. Dapat, sa kanyang pamumuno, nailipat sa magsasaka ang hacienda nila-magsimula sa sariling bakuran!
Dapat, hiningi niya, kahit man lang, hindi muna magbayad ng utang, nong 1986 upang may dagdag na pondo sa pangangailangan ng bayan, kaysa hindi matawag na walang palabra de honor.
Ngunit sa dulo, hindi ito kasama sa kanyang tinangap na misyon. Mga programa ito ng mga progresibo at kaliwang puwersa. Hindi progresibo at kaliwa si Cory. Ang kanyang tinanggap na responsibilidad ay ang pagbuhay ng mga institusyon upang panumbalikin ang demokrasya sa bansa mula sa diktadura. Isang anyo ng demokrasya na kasya ang hacienda luisita at base militar ng Estados Unidos (gary granada). Isang anyo ng demokrasya na mayaman sa mga porma nito (eleksyon, check and balance sa gobyerno), rule of law, due process, etc. Isang anyo ng demokrasya na nakasandig sa malayang pamamahayag, malayang pagtitipon at pag-oorganisa, na sumampalataya o hindi, at iba pa. Isang uri ng demokrasya na malinaw na mas maalwan sa diktadurya ni Marcos, saang angulo (mo) man tignan. Isang (pulitikang) kaayusang malinaw na isang hakbang pag-unlad mula sa kalunus-lunos na lipunang pinamahalaan ni Marcos. Kaya sa kabila ng kakulangan ng demokrasyang ito- sinumang pilipino nang panahong yaon ay magbubunyi at sasamang ipundar. Hindi sapat para sa atin-ngunit mahalaga at hakbang pag-unlad, kaysa naman sa diktadurang walang kalayaan sa pamamahayag, sa pagkilos at pagtutol, walang tsek and balance sa gobyerno, etc. At tinupad niya ito, kahit mabingit sya sa kamatayan. At sa kabila ng napaka-nakakaliyong temtasyon ng kapangyarihan, hindi siya nag-alinlangan, o nag-ibang landas o narahuyo sa sarap ng kapangyarihan. Buong puso, buong buhay niyang sinikap na gampanan ang kanyang tinanggap na responsibilidad, na inari niyang bokasyon. At nang matupad niya, walang lingon-likod na bumitaw sa kapangyarihan-sapagkat ang pagpapalit sa trono ng kapanyarihan ay isa sa mga batayang salalayan ng demokrasyang kanyang niloloob. Ang bokasyon pa lang na ito ay hiningan na siya ng di matatawarang sakripisyo. At malinaw na hindi siya kukulangin kung titimbangin.
Ngunit ang buong panahong ito ng paglalamay sa kamatayan ni cory ay hindi lamang panahon ng pagluluksa o taus-pusong pasasalamat, tulad ng nangyari nitong nagdaang linggo. Ito ay panahon ng pagpupunla ng mga sibol na iniwan ni Cory na pati tayo sa kaliwa ay nararapat lamang payabungin; mga punlang kailangang-kailangan ng kilusang kaliwa, upang sa kalaunan ay maibigay sa atin ng sambayanan ang pagtitiwala at pag-asa (na kanilang iginawad sa babaeng nakadilaw) na kaya rin nating painugin at pamunuan ang bayan hindi lamang upang ipagtangol ang demokrasya, kundi gawing katotohanan ito sa mas maraming mahihirap at mamamayan tungo sa tunay na kasarinlan, kaunlaran, katarungan at kapayapaan.
Ayon sa umuusbong na pagtanaw sa daigdig mula sa salamin ng quantum science, ang black holes ay hindi maliliit na butas na walang laman sa isang malawak na uniberso ng materyal na daigdig-kundi, sa kabaligtaran, ay ang siyang malawak na kinalalagyan ng mga maliliit na solidong bagay tulad ng mga planeta, buwan at mga bituin.
Tayo, sa kilusang kaliwa ay may maliliit na solidong bagay- ang buwan ng mga programa ng repormang sakahan, ang planeta ng demokratikong pamamahala, ang mga bituin ng kasarinlan at kaunlarang pambayan, sosyalistang kabuhayan, at iba pa;
sa totoo lang, mas daig natin si cory- nagsisimula tayo sa mga programa at adhikaing malapit sa adhikain at inaasam ng sambayanan. Subalit bakit wala tayong kapasidad na manawagan at magbigay-inspirasyon, katulad ng nagawa ni Cory?;
Tulad ng nagdaang agham, akala nila, ito na ang katotohanan-ang mga solidong bagay na nakikita at nasusukat; ngunit tinuturo ng quantum science na ang mga iyon ay napakaliit lamang na bahagi ng buong katotohanan. At lulutang lamang ito at makikita dahil may di nasusukat na black hole. Ganundin sa ating buhay-pulitika at pagkamamamayan. Ang mga programang ito na nakaugat sa adhikain at saloobin ng mga mamamayan ay lulutang lamang at magsisilbing inspirasyon kung isinusulong ito at pinakakaisahan ng mga mabubuting tao at mga namumunong nangunguna sa paghahandog, sa pagsasakripisyo at sa pag-aalay ng buhay, nang walang hinihinging kapalit (hindi pasalamat, hindi pagtanaw ng utang na loob, lalong hindi yaman o salapi, hindi kaginhawahan, at lalong hindi kapangyarihan), kundi ang paniniwalang kailangan itong gawin dahil ito ang tama at matuwid, araw-araw. Ipinakita ni Cory Aquino ito sa kanyang buhay, bilang pangulo at bilang ordinaryong mamamayan. Hindi minsan, at sa ilaw ng kamera lamang. Ngunit araw-araw. Dahil dito, kaya niyang manawagan sa laksa-laksang Pilipino-at kaya ganun na lamang ang pagmamahal ng bayan sa kanya.
Ito ang hamon sa atin, lalo na sa mga lider ng kilusang kaliwa.
Mabuhay si Cory!
Mabuhay ang Kilusan!
Mabuhay ang sambayanan!
Mabuhay si Hesus na pinatay, ipinako sa Krus, at Muling Nabuhay!
Siya nawa. Siya nawa. Siya nawa. At Siya nawa!
Arcy Garcia, Kasapi, OIKOS
(Ako ay hindi tumuntong sa kahabaan ng EDSA mula Aurora hanggang Ortigas nong Pebrero 22-26 sa paniniwalang hindi dapat ipagtangol ang mga born again democrats na nandun, at sa pangambang ang mga naunang nagpagod laban sa diktadura ay tatabunan ng mga aakyat sa kapangyarihang hindi interes ng mamamayang naghihirap an isusulong. Hindi rin ako tumapak sa kahabaan ng EDSA noong EDSA 2 sa paniniwalang magnanakaw at mandarambong din ang nakaumang na papalit. Sa ngayon, ako rin ay kasapi ng Kayang-kaya movement na naniniwalang sa kabila ng sandamukal na kakulangan at limitasyon, si Gov. Grace Padaca ay siyang tamang taong dapat mamuno sa ating bansa. Nawa, pagkatapos ng gloria, susunod na talaga ang grasya.)
Thursday, August 6, 2009
Subscribe to:
Posts (Atom)